Mga magsasaka ng Hacienda Luisita, hindi pa rin nababayaran

 

Inquirer file photo

Limang taon na ang nakalilipas, pero wala pa ring nakukuhang kabayaran ang may 6,000 magsasakang benepisyaryo ng P1.3 bilyong kita sa pinagbentahan ng Hacienda Luisita Inc. (HLI).

Matatandaang iniutos na ng Korte Suprema limang taon na ang nakakaraan na ipamahagi sa mga magsasaka ang perang pinagbentahan ng 580.51 ektaryang hacienda na dating pag-aari ng pamilya ni Pangulong Benigno Aquino III sa probinsya ng Tarlac.

Kinumpirma ito sa Inquirer ng HLI, pinuno ng mga magsasaka na si Noel Mallari, supervisor Windsor Andaya at Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala).

Manggagaling ang halagang ito mula sa mga assets na makukuha ng HLI at ng subsidiary nito na Centenary Holdings Inc. galing sa pinagbentahan ng lupa.

Ngunit, hindi ito mailalabas hanggang walang conclusion ng special audit ng mga assets na hinihingi ng Korte Suprema.

Ayon kay Agrarian Reform Sec. Virgilio de los Reyes, nireresolbahan na ng Korte Suprema ang motion for clarification kaugnay sa proseso ng nasabing audit.

Ang nasabing petisyon ay inihain ng Navarro Amper & Co. na partner ng isa sa mga itinalagang auditing firms ng Korte Suprema na Deloitte.

Sinisisi ng Ambala sa HLI ang pagka-antala sa bayad sa mga magsasaka.

Nauna nang umapela ang HLI sa Deloitte, at nilinaw ng tagapagsalita ng hasyenda na si Atty. Antonio Ligon na wala silang inihaing mosyon na nag-aalis sa Deloitte sa mga auditing firms tulad ng lumalabas ngayon.

Isang notice ang inilabas ng Korte Suprema tungkol sa special audit panel na nagpapakitang nagrekomenda ng 10 auditing firms ang HLI, at kabilang dito ang Deloitte sa pamamagitan ng kanilang partner na Navarro Amper & Co.

Binigyan ng 90 days ang mga auditors para gawin ang kanilang gawain. Naglabas ng kautusan ang mataas na hukuman na magsagawa ng special audit sa pamamagitan ng isang resolusyon na may petsang Nov. 22, 2011.

Inulit rin sa nasabing kautusan ang July 5, 2011 na desisyon nitong kanselahin muna ang stock distribution option na nagsimula noong 1989 alinsunod sa kautusan ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) noong 2005.

Read more...