Gobyerno walang maibibigay na umento sa sahod ng mga guro – Sec. Briones

Kasabay ng World Teachers’ Day, inanunsyo ni Education Sec. Leonor Briones na walang maibibigay na dagdag sweldo sa mga guro.

Sa press conference sa Ormoc City, sinabi ni Briones na hindi kaya ng gobyerno na bigyan ng umento o magpatupad ng salary adjustment para sa 6,500 public school teachers sa bansa.

Iginiit ng kalihim na kapag itinaas ang sahod ng mga guro sa pampublikong eskwelahan ay posibleng magtaas ang gobyerno ng mga buwis para matugunan ang demand ng mga guro at ibang government workers na dagdag sweldo.

Ayon kay Briones, sa ngayon ang budget ng Department of Education ay P527 billion at mahigit P350 billion ay napupunta sa sweldo ng mga guro.

Mangangailangan anya ng dagdag na P350 billion na buwis para itaas ang sahod ng mga guro.

Bagaman mahalaga anya ang personal na kailangan ng mga guro, kailangan ding isipin ang ekonomiya ng bansa gayundin ang kapakanan ng lahat ng Pilipino pagdating sa buwis.

Mula P21,000, hinihiling ng mga public school teachers na gawing P30,000 ang starting salary dahil na rin sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Read more...