Gretchen Fullido nagsampa ng reklamong sexual harassment laban sa 2 opisyal ng ABS-CBN

FB Photo

Nagsampa ng reklamong sexual harassment si ABS-CBN reporter at anchor Gretchen Fullido laban sa mga dati niyang katrabaho kabilang ang dalawang excutives ng news network.

Isinampa ni Fullido ang reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ibinahagi ito ng legal counsel ni Fullido na si Atty. Marvin Aceron sa Twitter at kaniyang Facebook page.

Ayon kay Aceron, respondent sa reklamong sexual harassment ang dating ABS-CBN Executive na si Cheryl Favila at ABS-CBN News Segment producer na si Maricar Asprec.

Sa reklamo ni Fullido, pinadalhan umano siya ng text messages nina Favila at Asprec na kinapapalooban ng sexual insinuations, na ang iba ay umabot pa sa puntong hinihingan siya ng sexual favors.

Nang tanggihan umano niya mga alok ginipit na siya ng mga ito.

Ayon kay Fullido tumagal ng tatlong taon ang insidente.

Inireklamo naman ng libel ni Fullildo ang tatlo pa niyang katrabaho sa ABS-CBN news room na kinabibilangan ng broadcast journalist na si Ces Drilon, news executive Venancio Borromeo at showbiz reporter na si Marie Lozano.

Ani Fullido, siniraan siya nina Drilon, Borromeo at Lozano at ipinagkakalat na gawa-gawa lang niya ang isyu ng sexual harassment.

Partikular na tinukoy sa pahayag ng kampo ni Fullido na si Drilon ay nagsagawa ng victim shaming at sinabi pang deserve ni Fullido ang ma-harass.

Dati nang inireklamo ni Fullido sa management ng ABS-CBN sina Favila at Asprec.

Gayunman ibinasura lang ng pamunuan ng network ang reklamo.

Pinanagot naman sa gross misconduct si Favila kaya natanggal ito sa trabaho.

Dahil sa reklamo sinabi ng kampo ni Fullido na siya ang kauna-unahang Filipino news celebrity na nagsalita laban sa sexual harassment na nagaganap sa news industry.

Read more...