Naglabas ng infographics ang Department of Transportation (DOTr) na naglalaman ng paliwanag sa tamang pagsunod sa polisiya ng kagawaran.
Sa nasabing infographics ay simpleng ipinaliwanag kung ano ang mga ipinagbabawal sa mga pantalan, bus terminal, train station at paliparan.
Gumamit ng mala-komiks na pamamaraan ng pagpapaliwanag ang DOTr para ipaunawa sa publiko kung ano ang mga bawal dalhin kapag bumibiyahe gaya ng alagang hayop, sumasabog, at matutulis na bagay.
Sinabi rin sa infograph na dapat ay hindi umiinit ang ulo ng pasahero kapag ipinatutupad ng security personnel ang mga polisiya.
Hindi rin nakaligtas sa netizens ang pagkakahawig kay Cong. John Bertiz ng naka-drawing na lalaki sa infographics na kumakatawan sa isang pasaherong masungit at mainitin ang ulo.
Marami ang nagsabi na kamukha ni Bertiz ang nasa drawing.
Sumagot naman ang DOTr at sinabing hindi sinasadya kung may pagkakahawig man sa aktwal na kaganapan o tao ang nasa infographics.