Arraignment kay dating Makati Mayor Junjun Binay at Rep. Rolando Andaya ipinagpaliban
Ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang arraignment o pagbasa ng sakdal laban kina dating Makati City Mayor Junjun Binay at House Majority Leader Rolando Andaya dahil sa nakabinbin na mga apela sa kanilang mga kaso.
Sa hearing sa Sandiganbayan Third Division, itinakda ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang arraignment sa December 7.
Kaugnay ito ng kasong may kinalaman sa Makati parking building laban kay Binay at Malampaya fund scam naman laban kay Andaya.
Si Binay ay may pending partial motion for reconsideration at ipinaalam nito sa korte na naghain siya ng petition for certiorari sa Supreme Court kahapon Huwebes.
Nahaharap si Binay sa kasong graft and falsification of public documents dahil sa umanoy sabwatan sa mga lokal na opisyal para sa pekeng affidavits of publication ng bidding ng gusali noong 2011 hanggang 2013.
Samantala, ipinagpaliban din ang arraignment ni Andaya para bigyan ng panahon ang prosekusyon na magsumite ng komento sa apela ng kongresista kaugnay ng denial ng kanyang bill of particulars.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.