Hindi nasisiraan ng loob kundi lalo pang na-challenge si Vice President Jejomar Binay matapos siyang maungusan ni Sen. Grace Poe sa mga Presidential Surveys.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni dating Cainta Mayor at ngayon ay tagapagsalita ng United Nationalist Alliance (UNA) Mon Ilagan na nalungkot pero hindi naman masyadong apektado ang pangalawang pangulo sa resulta ng mga bagong surveys ng pulse Asia at SWS.
“Naging positibo pa nga ang epekto ng pagbaba sa number 2 ni VP Binay dahil nagsilbi itong “wake-up call” at nananatili siyang running scared kaya hindi siya nagpa-kumpyansa,” Ani Ilagan.
Ayon sa bagong tagapagsalita ng UNA, dodoblehin o titriplihin pa ni VP Binay ang pag-iikot sa mga lalawigan para maipaliwanag ang kanyang panig.
Mahalaga anya kay Binay na magpaliwanag at tumulong sa mga tao kahit naunahan na siya ni Poe sa mga survey.
“Bilang abogado ay nananatili ang posisyon ni VP Binay na sa tamang forum o sa korte niya sasagutin ang mga alegasyon laban sa kanya. Anoman ang nangyayari ngayon sa survey ay hindi aatras si Binay sa 2016 election,” pahayag ni Ilagan
Ilan anya sa istratehiya ng UNA para makabawi ang rating ni Binay ay ang social media communication at pagpapalawag sa mga lalawigan.
Samantala, sakali namang mabaling kay Poe ang mga batikos kay Binay ay tiniyak ni Ilagan na hindi manggagaling sa kanilang kampo ang mga butas na posibleng ibato sa senadora.
Sa July 1 ay pormal nang ilulungsad ang bilang opisyal na partido at posibleng pormal na ring ianunsyo ang pagkakahirang kay Ilagan bilang tagapagsalita ng partido./ Len Montano