Duterte sa pagtakbong senador ni Roque: Hindi ka mananalo diyan

Malacañang Photo

Hindi ka mananalo diyan.

Ito ang naging prangkang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng plano nitong pagsabak sa senatorial race sa 2019 elections.

Sa talumpati kagabi ng pangulo sa dinner kasama ang Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated, sinabi nito na dapat na mag-standby na lamang si Roque at bibigyan na lamang ito ng bagong trabaho.

Paliwanag pa ng pangulo, ayaw ng mga sundalo kay Roque maging kay Solicitor General Jose Calida.

“Sila si Roque, gusto mag-senador. Sabi ko, ‘Tama ka na.’ T***i** diyan. Standby ka. Bigyan kita ibang trabaho. Hindi ka manalo diyan.’ Bakit? ‘Yung mga sundalo ayaw sa iyo. Itinuro ko kayo at saka si Calida. Sundalo ayaw sa iyo,” ani Duterte.

Nagkalamat ang relasyon ni Roque sa AFP nang maghain ng disbarment complaint ang AFP laban sa opisyal noong October 2014.

Inireklamo ng AFP si Roque nang pangunahan niya ang kliyente niya na pamilya ng napatay na transgender na si Jennifer Laude na magmartsa patungo sa gate ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board sa loob ng Camp Aguinaldo kung saan nakakulong si US Marine Private First Class Scott Pemberton.

Sa nasabing pagkilos, nagawang makatalob ng bakod ng MDB-SEB ng German fiance’ ni Laude na si Marc Suselbeck at kapatid ni Laude na si Marilou.

Read more...