Heart relic ni Padre Pio darating na sa bansa mamayang gabi

Joselin Gonda

Matapos ang masusing paghahanda ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ay darating na ang incorrupt heart relic ni Padre Pio sa bansa ngayong araw.

Kasalukuyang nang ibinabiyahe mula sa San Giovanni Rotondo, Italy ang relic at inaasahang darating alas-10:15 mamayang gabi sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Pagdating sa airport, agad itong susundan ng motorcade patungong National Shrine of St. Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas kung saan isasagawa ang welcome mass sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng madaling araw ng Sabado, October 6.

Maglalagi ang relic sa Sto. Tomas hanggang Linggo, October 7, at muling dadalhin sa Maynila partikular sa University of Santo Tomas at Manila Cathedral at bubuksan sa publiko para sa veneration mula Lunes hanggang Miyerkules, October 8 hanggang 10.

Sa October 11 hanggang 13 naman ay tutungo na ito sa Visayas sa pangunguna ng Archdiocese of Cebu at October 14 hanggang 16 naman sa Mindanao na pangungunahan ng Archdiocese of Davao.

Umaga ng October 17 ay ibabalk ito sa Batangas hanggang October 26.

Ang Pilipinas ang ikaapat pa lamang na bansa na bibisitahin ng heart relic matapos ang Estados Unidos, Paraguay at Argentina.

Namatay si Saint Padre Pio noong 1968 kung saan iginugol niya ang kanyang halos buong buhay bilang isang paring Capuchino at ngayon ay isa na sa pinakapinipintakasing santo ng Simbahan.

Ayon kay Fr. Joselin Gonda, rector ng National Shrine, magiging makabuluhan ang pastoral visit ng relic ngayong taon dahil nagdiriwang ang Simbahang Katolika sa Pilipinas ng ‘Year of the Clergy and Consecrated Life’ dahil si Padre Pio ay hinirang na huwaran ng mga pari at relihiyoso.

Read more...