Piso humina kontra dolyar isang araw bago ilabas ang September inflation rate

Bumagsak ang halaga ng piso kontra dolyar sa trading kahapon.

Ito ay isang araw bago ang paglalabas ng opisyal na datos para sa inflation sa buwan ng Setyembre.

Nagsara ang palitan sa P54.32 mula sa P54.18 noong Miyerkules.

Ngayong umaga, ilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pamamagitan ng isang media briefing ang inflation figures para sa buwan ng Setyembre.

Nauna nang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas Department of Economic Research na posibleng pumalo sa 6.8 percent ang inflation rate noong nakaraang buwan dahil na rin sa naging pananalasa ng Bagyong Ompong at pagsipa ng presyo ng oil products sa world market.

Kung sakali ay mas mataas ito sa 6.4 percent inflation rate noong Agosto na record high sa loob ng siyam na taon.

Sa isang talumpati sinabi ni BSP Assistant Governor Restituto Cruz na ang nararanasan ng bansa ngayon sa ekonomiya tulad ng mataas na inflation rate, mataas na dollar outflows at papahinang piso ay kailangan upang mas umunlad pa ang bansa.

Giit ni Cruz, ang infrastructure projects ng gobyerno na umaarangkada na ngayon ay mabibigay daan para sa ‘inclusive’ at ‘sustainable’ na ekonomiya.

Read more...