Sen. Poe binigyan ng 10-day extension para sa sagutin ang disqualification case laban sa kanya

comelec bldg
Inquirer file photo

Binigyan ng sampung araw na extension ng Commission on Elections (Comelec) ang kampo ni Sen. Grace Poe para sagutin ang disqualification case na isinampa ni Rizalito David.

Sinabi ni Atty. George Garcia, legal counsel ni Poe na binigyan sila ng “oral order” ng Comelec.

Nauna dito ay tatlong araw na palugit lamang ang hiniling ni Poe para maisampa ang kanilang tugon sa nasabing reklamo.

Tiniyak naman ni Atty. Garcia na hindi aabutin ng sampung araw at maisusumite na nila sa Comelec ang mga kinakailangang dokumento base sa reklamong inihain ni David.

Magugugnitang noong August 17 ay naghain ng disqualification case si David sa pagsasabing hindi natural-born Filipino ang mambabatas.

Sa kanyang reklamo binanggit din ni David na kapos ang required residency sa bansa ni Poe kaya dapat na balewalain ang kanyang panalo noong 2013 Senatorial elections.

Sinabi pa ng kampo ni David na halatang pinatatagal ng kampo ni Poe ang pagsagot sa kanyang reklamo para paabutin sa panahon kung saan ay ililimbag na ang mga balotang gagamitin sa 2016 elections.

Kasama ni David na humarap sa pagdinig sa Comelec ang kanyang abogado na si Atty. Manuelito Luna na nagsabing inaasahan na nila ang mga delaying tactics mula sa kampo ng mambabatas.

 

Read more...