Kaso ng pagdukot sa dating Ministro hindi totoo, sagot ng INC sa CA

Court-of-Appeals-building
inquirer file photo

Pinasinungalingan ng kampo ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang mga alegasyon ng panig ng itiniwalag na Ministro na si Lowell Menorca na siya at ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay dinukot.

Nakasaad ito sa tatlong mga sinumpaang salaysay ng INC na isinumite nila sa 7th Division ng Appellate Court.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong Writ of Habeas Corpus at Writ of Amparo na inihain ng kampo ni Menorca ay sinabi ng abugado ng INC na si Atty. Patricia Ann Prodegalidad na base sa salaysay ng dalawang security guard at isang tourist guide ang kanilang isinumite sa korte pero tumanggi na siyang idetalye pa ang nilalaman ng affidavits.

Una nang iginiit ng mga abugado ng INC ang pagbasura sa mga petisyon ni Menorca dahil wala naman sa panganib ang buhay ng dating Ministro at pamilya nito na unang sinabing ikinustodiya ng pamunuan ng simbahan.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong hapon, ang kampo naman ni Menorca ang magsusumite ng salaysay sa korte.

Pagkatapos nito ay inaasahan na ang pasya ng korte sa mga petisyong Writ of Habeas Corpus at Writ of Amparo.

Read more...