Naaalarma ang Commission on Human Rights o CHR sa pagsasapubliko ng Armed Forces of the Philippines o AFP ng listahan ng mga unibersidad at kolehiyo kung saan nagrerecruit umano ang CPP-NPA ng mga estudyante.
Ito ay para maisakatuparan ang binansagang “Red October” o pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CHR spokesman Atty. Jacqueline De Guia, ang ginagawang “red-tagging” ang pamahalaan sa mga eskwelahan ay maaaaring magdulot ng panganib para sa mga estudyante at mga kabataan.
Babala ni De Guia, mistulang binigyan ang AFP ng lisensya para sikilin ang freedom of expression, right to petition government at pagsasagawa ng mga kilos-protesta ang mga estudyante sa higher education institutions.
Lumalabas din aniya na ang impormasyon ng AFP ay hindi validated, dahil batay sa rekord ng CHED ay hindi nag-e-exist ang isa sa mga paaralang tinukoy sa listahan.
Inalmahan pa ng CHR ang alegasyon ng AFP na nagrerecruit ang CPP-NPA ng mga estudyante sa pamamagitan ng film showings ukol sa martial law noong Marcos regime.
Giit ni De Guia, hindi dapat ituring ng AFP na uri ng pagpapabagsak o iligal ang martial law film showings dahil parte ito ng kasaysayan ng bansa.