Sa kabila ng busy na schedule Voice Kids Grand winner Lyca, sinisikap makapag-aral
Ang maiahon ang pamilya sa kahirapan ang nagtulak kay “The Voice Kids Philippines” grand winner Lyca Gairanod na sumali sa mga singing contest at pagbutihin pa ang kanyang talento sa pagkanta.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lyca na bago sumali sa The Voice ay nangangalakal sila ng kanyang pamilya at minsan ay inaabot sila hanggang gabi at nababasa ng ulan.
Walong taong gulang nang unang sumali si Lyca sa singing contest sa kanilang Barangay pero special award lang ang kanyang nakuha dahil malalaki ang kanyang nakalaban.
“Kinakabahan pa rin ako sa tuwing sumasali ako sa mga contest kasi hindi naman ako magaling na magaling na singer, konti lang, ” sinabi ni Lyca kay Warrior Angel program host Brenda Arcangel.
Inialay ni Lyca ang panalo niya sa Voice Kids sa kanyang pamilya at nagpa-feeding program ito sa kanilang lugar kasi ang mga tao ang tumulong sa singer na marating ang kanyang tagumpay.
Ang voice kids mentor na si Sarah Geronimo ang pinaka-idol ni Lyca dahil mabait ito at maraming payo sa kanya.
“Sabi ni Ate Sarah, huwag akong masyadong bibirit kung ano raw ang hitsura ng kanta iyon ang susundin ko,” ani :yca.
Kapag may oras ay pumapasok si Lyca sa isang home schooling at nakatakda nitong tapusin ang kanyang exam para maging grade 4 na sa susunod na pasukan.
Pero sa ngayon ay busy ang batang biritera sa pagpo-promote ng kanyang album na ang carrier single ay pwede nang mangarap./ Len Montano
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.