Pinasinungalingan ng University of Santo Tomas (UST) at University of Makati (UMAK) ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na recruitment grounds sila ng CPP-NPA para sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Oktubre.
Naglabas ang AFP ng listahan ng mga pamantasang sinasabing bahagi ng recruitment ng mga komunista para sa ‘Red October’.
Ayon kay UST Secretary General Jesus Miranda, maaaring ‘stereotyping’ ang ginagawa ng AFP sa UST dahil isa itong Catholic Insitution kaya’t may hinuha na sila ay tutol sa kasalukuyang gobyerno.
Sinabi ito ni Miranda sa panayam ng The Varsitarian, opisyal na pahayagan ng eskwelahan.
“Maybe they are stereotyping or because we are a Catholic university and there is a perception that we are against the present government,” ani Miranda.
Hamon ni Miranda, patunayan ng AFP alegasyon laban sa UST.
Sinabi naman ni UMAK President Tomas Lopez Jr. na walang kaalam-alam ang management ng Pamantasan sa sinasabing recruitment activities ng CPP-NPA.
Anya pa, bilang isang pang-akademikong institusyon ay hindi sila nakikiisa sa mga partisan political activities.
Giit ni Lopez, nakatuon sila sa pagpapalakas sa pagiging makabayan ng kanilang mga mag-aaral upang maging produktibong bahagi ng lipunan.