Ang Sawikaan ay proyekto ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pagtataguyod ng Office of the Chancellor ng UP Diliman, UP Diliman Information Office (UPDIO), at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Para sa taong ito, kasama sa mga salitang nominado ang dengvaxia, DDS, dilawan, fake news, federalismo, foodie, quo warranto, tokhang, train, at troll.
Ang mga nasabing salita kasi ay naging bukambibig o gamit na gamit sa nakalipas na dalawang taon.
Para makapili sa mga nominadong salita, isang talakayan ang gaganapin sa Oct. 26, 2018 sa Institute of Biology Auditorium ng UP Diliman.
Ang mga nagpasa ng salita ang magde-depensa kung bakit iyon ang dapat mahirang na 2018 Salitaan ng Taon.
Matapos ang pag-depensa, boboto ang mga delegado ng tatanghaling Salita ng Taon 2018.
Ang isang salita ay napapasama bilang nominado kung ito ay bagong imbento, bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika, luma ngunit may bagong kahulugan at dati nang ‘di nagagamit pero muling binuhay.
Nagsimula ang Sawikaan noong taóng 2004 na naglalayong subaybayan ang pag-unlad ng wikang Filipino.
Sa mga nakalipas na Sawikaan, itinanghal bilang mga Salita ng Taon ang canvass (2004), huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), jejemon (2010), wangwang (2012), selfie (2014), at fotobam (2016).
Bukas ang kumperensiya sa mga guro, mag-aaral, iskolar, at iba pang interesado sa wika.