Pananatili ng NFA ipinagtanggol sa Kamara

Inquirer file photo

Inalmahan ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles ang kaliwa’t kanang panawagan sa abolisyon ng National Food Authority (NFA) dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas.

Ayon kay Nograles walang ahensya na gagawa ng mandato ng NFA kapag binuwag ang ahensya lalo na sa sandaling matanggal na ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas ng pribadong sektor dahil walang garantiya na hindi magsasabwatan ang mga ito upang kontrolin ang presyo.

Kailangan din anyang tutukan ng NFA ang pagpapalaki ng imbak ng buffer stock at ang masusing implementasyon ng palay procurement program sa presyong 22 pesos kada kilo mula sa mga lokal na magsasaka.

Kung nasadlak man anya ang ahensya sa samu’t-saring kontrobersya sa bigas, ito ay dahil sa kakulangan ng dating namuno at hindi dahil sa kabiguan ng buong ahensya.

Ang mga hakbang anya na isinasagawa ng NFA upang patatagin ang presyo ng bigas ay mahalaga kahit pa tanggalin ng pamahalaan ang mga limitasyon sa bulto ng aangkating bigas ng pribadong sektor.

Read more...