Presyo ng gasolina sa ilang lugar umabot na sa P71 kada litro
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Energy (DOE) kaugnay sa price surge sa presyo ng diesel at gasolina sa ilang mga lugar sa bansa.
Sinabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na bagaman may ilang mga dahilan kung bakit mas mataas ang presyo ng petrolyo sa ilang mga lugar ito ay dapat pa ring sumunod sa ilang panuntunan sa loob ng oil deregulation law.
Aminado rin ang opisyal na nakatanggap na sila ng sumbong mula sa ilang mga consumer kaugnay sa sobrang taas na presyo ng petrolyo.
Isa sa mga sumbong ay galing kay Odiongan, Romblon Mayor Trina Firmalo-Fabic na nagsabing umaabot na sa P71 ang kada litro ng gasolina sa kanilang lugar.
Umabot naman sa P57.46 ang presyo ng bawat litro ng diesel sa nasabing bayan.
Sa Laoag City at ilan pang bahagi ng Ilocos Region ay nakatanggap rin ang DOE ng sumbong kaugnay sa price surge.
Ipinaliwanag naman ng DOE na ilan sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng petroleum products sa world market ay ang gulo sa ilang lugar sa Middle East at ang pagbabawas ng oil production sa Venezuela.
Kaninang umaga ay muling nagpatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng petrolyo na siyang pangwalo sa mga nakalipas na linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.