Itinigil na ng National Food Authority Council (NFAC) ang pag-iimport ng premium rice o tinatawag ding fancy rice na ibinebenta sa merkado ng mga negosyante sa sobrang taas na halaga.
Ito ay makaraang irekomenda ni Department of Agriculture Sec. Manny Piñol sa NFA Council na itigil na ang importasyon ng fancy rice kabilang ang Jasmine variety mula sa Thailand na ibinebenta sa merkado ng hanggang P60 kada kilo.
Ayon kay Piñol, marami kasing importers ang hindi nagdedeklara ng tama sa inaangkat nilang fancy rice para makaiwas sa pagbabayad ng mataas na taripa at pagkatapos ay ibebenta ng mahal ang kanilang produkto.
Sa inaprubahang resolusyon ng NFA Council, tanging ang 25% Broken Rice na lamang ang pwedeng angkatin ng gobyerno at mga rice trader.
Dahil sa bagong polisiya anumang imported fancy rice na makikitang ibinebenta sa merkado ay ituturing na smuggled rice at kukumpiskahin.
Ang mga fancy o premium rice na pwede na lang ibenta sa merkado ay dapat galing lang sa mga magsasaka sa bansa na kinabibilangan ng Dinorado, Milagrosa, Jasponica, RC 160, Heirloom Rice at iba pang indigenous rice varieties.