Inspector ng BuCor patay sa pamamaril sa Muntinlupa City

Inquirer file photo

Mahigpit ngayon ang seguridad sa paligid ng New Bilibid Prisons (NBP).

Ito ay matapos masawi sa pamamaril ang isang inspector ng Bureau of Corrections (BuCor) na kinilalang si Nimencio San Gabriel.

Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin si San Gabriel sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Dahil dito ay ipinagbabawal ang pagsusuot ng helmet sa mga motorcycle rider habang nasa paligid ng Bilibid.

Mahigpit din ang ginagawang pagbabantay ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) sa lugar. Kabilang sa kanilang pinaigting na security measures ay ang pag-check sa mga sasakyang papasok at lalabas sa lugar.

Batay umano sa salaysay ng testigo sa pamamaslang, nakita niya ang isang lalaking sakay ng motorsiklo na malapit sa lugar, bukod pa sa dalawa pang lalaki na tila nagsisilbing lookout. Makalipas ang ilang sandali ay nakarinig na lamang siya ng putok ng baril at nang siyasatin ay doon na nakita ang biktima na tadtad ng tama ng bala.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente. Partikular nilang inaalam kung gumagana ba ang mga CCTV sa lugar upang matukoy agng pagkakakilanlan ng mga salarin.

Read more...