Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada, sinabi nito na kung nakadepende sa dami ng maisasakay na pasahero o dami ng “boundary” ng driver ang kanyang makukuhang arawang sahod ay magkakaroon ng tendency ang mga bus driver na bilisan ang kanilang pagmamaneho na posibleng magdulot lamang ng disgrasya.
Ngunit kung maipapatupad ang fixed salary para sa mga driver ay hindi na nila kakailanganin pang magmatulin sa kalsada at magiging maskumbinyente ito sa mga mananakay.
Bibigyan ng performance-based incentives ng mga driver at kundoktor batay sa kita ng bus operator o company at safety records, traffic violations, at pagsunod sa batas trapiko ng mga driver.
Ito ang naging reaksyon ni Lizada matapos katigan ng Supreme Court (SC) ang legalidad ng part-fixed at aprt-performance based compensation scheme para sa mga driver at kundoktor ng bus.
Ibinasura ng SC ang petisyon ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines, Southern Luzon Bus Operators Association, Inc., Inter City Bus Operators Association, at City of San Jose Del Monte Bus Operators Association na humihiling na ipasawalang bisa ang utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) at memoradnum circular ng LTFRB patungkol sa implementasyon ng naturang compensation scheme.
Batay sa ruling ng SC, pasok sa quasi-legislative powers ng LTFRB at DOLE ang kanilang inilabas na memorandum.
Ayon sa SC, layunin ng mga issuance ng LTFRB at DOLE ang pagkakaroon ng mas maayos na hanapbuhay para sa mga bus driver at kundoktor, at pagkakaroon ng mas ligtas na biyahe para sa mga commuters.