Naniniwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na panahon na para alisin ang anumang uri ng VIP o special treatment na ibinibigay sa mga opisyal ng pamahalaan lalo na sa mga paliparan.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat ay sumunod lalo na sa safety protocol ang lahat para sa kaligtasan na rin ng publiko.
Reaksyon ito ni Sotto na nag-viral na video ni ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz kung saan ay makikitang kinakastigo nito ang isang airport personnel.
Nangyayari umano ang nasabing mga insidente dahil sa ibinibigay na VIP card sa ilang mga indibiduwal na kadalasan namang nauuwi lang sa pang-aabuso.
Samantala, nilinaw naman ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal na tanging sa pangulo lamang ng bansa ibinibigay ang special treatment.
Ang mga nagbigyan ng special I.D sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) tulad ng mga miyembro ng media at ilang opisyal ng pamahalaan ay kailangan pa ring sumunod sa mga ipinatutupad na protocol.
Makaraang mag-viral ang kanyang video ay humingi rin ng tawad sa publiko si Bertiz pati na rin sa pamunuan ng NAIA.