Bagyo sa labas ng PAR, lumakas pa; inaasahang papasok ng bansa mamayang hapon

By Rhommel Balasbas October 01, 2018 - 05:14 AM

Lumakas pa ang bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na ‘Kong-Rey’.

Sa ngayon ay nasa typhoon category na ito taglay ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 160 kilometro kada oras.

Sa 4am advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,565 kilometro Silangan ng Southern Luzon.

Kumikilos ito sa direksyong Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at papasok na ng bansa ngayong hapon at papangalanang ‘Queenie’.

Hindi naman ito tatama sa kalupaan at inaasahang susundan ang naging track ni Bagyong Paeng.

Dahil sa trough ng bagyo, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang Bicol Region at Eastern Visayas.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay makararanas ng maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, bagaman malayo na sa PAR ang Bagyong Paeng ay nakataas pa rin ang gale warning sa mga karagatan ng Batanes, Calayan, Babuyan Group of Islands at Northern Coast ng Ilocos Norte at Cagayan.

TAGS: #QueeniePH, PAGASA DOST, Radyo Inquirer, Typhoon Queenie, weather update, #QueeniePH, PAGASA DOST, Radyo Inquirer, Typhoon Queenie, weather update

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.