Bilang ng nasawi sa lindol at tsunami sa Indonesia, pumalo na sa higit 800

By Justinne Punsalang September 30, 2018 - 10:08 PM

AP

Patuloy pang tumaas ang bilang ng mga nasawi sa pagtama ng malakas na lindol na sinundan pa ng tsunami sa Sulawesi Island, Indonesia.

Sa huling datos, nasa 832 na ang bilang ng mga namatay dahil sa naturang kalamidad.

Ayon kay Indonesian Vice President Jusuf Kalla, hindi pa ito ang pinal na bilang ng casulaties at malaki pa ang posibilidad na umabot ito sa libong katao dahil marami pang mga rehiyon sa kanilang bansa ang hindi pa naabot.

Pangunahing problema ngayon ng mga nakaligtas sa lindol at tsunami ang supply ng malinis na tubig. Bukod pa ito sa mga looters.

Ngayong araw ng Linggo nagtungo si Indonesian President Joko Widodo sa Donggala region upang personal na makita ang laki ng pinsalang iniwan ng lindol at tsunami.

Sa Palu City naman ay idineploy na ang mga sundalo at search and rescue teams upang maghanap ng mga nakaligtas mula sa pagguho ng mga gusali.

Ayon kay Muhammad Syaugi na siyang pununo ng Indonesian national search and rescue agency, nasa 150 katao ang natabunan sa Hotel Roa-Roa at kahapon lamang ay nakarinig sila ng mga taong humihingi ng tulong mula sa ilalim ng guho.

Ngunit aniya, kailangan nila ng heavy equipment upang matulungan ang kanilang paghuhukay sa guho.

Isa pa sa iniisip ng pamahalaan ng Indonesia ang kinaroroonan ng daan-daang mga taong naghahanda para sa isang beach festival nang tumama ang magnitude 7.5 na lindol.

Sa 61 mga dayuhang nasa Palu City nang maganap ang lindol, tatlong French nationals at isang South Korean ang hindi pa nahahanap hanggang sa ngayon.

Patuloy naman ang pamamahagi ng mga relief supplies sa mga nasalanta ng lindol at tsunami habang ang mga ospital ay namomroblema na rin sa dami ng mga isinusugod dahil sa iba’t ibang injuries.

Karamihan na umano sa mga dinadala sa mga ospital ay ginagamot na lamang sa labas dahil na rin sa malawakang blackout sa lugar.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.