Muli na namang nakapagtala ng pagkapanalo ang Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos talunin ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa kanilang naging tapatan kagabi para sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament.
Natapos ang laro sa iskor na 85-53, pabor sa Blue Eagles.
Dahil dito ay naitala ng nasabing koponan ang ikaapat na sunod na panalo at mayroong win-loss record na 4-1 at nasa ikalawang pwesto sa torneo. Habang 1-3 naman ang sa UST na nasa ika-pitong pwesto.
Ayon kay Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga, maganda ang ibinigay na effort ng koponan lalo na’t pinunan nila ang kawalan ni Raffy Verano na nagtamo ng sprain sa nakalipas na laro.
Si Angelo Koume ang nanguna sa Blue Eagles matapos nitong makapagbigay ng 20 puntos, 15 rebounds, at apat na blocks. Sinundan naman siya ni Thirdy Ravena na nakapagtala ng 11 puntos.
Samantala, para sa Growling Tigers, si Renzo Subido ang nanguna sa pamamagitan ng 19 points.