Matapos na dalawang ulit na makatakas sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration, areastadong muli ang Koreanong si Cho Seong-dae.
Sa pagkakataong ito, nadakip si Cho ng pinagsamang puwersa ng Bureau of Immigration at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP sa bahay ng kapwa nito Koreano sa Pagsanjan, Laguna.
Si Cho ay unang nakatakas sa warden facility ng BI sa Bicutan, Taguig noong September 29.
Kapalit umano ng kanyang pagtakas sa naturang BI facility ang isang milyong piso na suhol sa kanyang mga tagabantay.
Matapos madakip sa ikalawang pagkakataon, inilipat na ito sa detention facility ng ISAFP facility ngunit nakatakas itong muli noong October 20.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation si Cho kung saan ito idedetine.
Ayon kay NBI head agent Atty. Peter Lugay, inaresto rin ang Koreanong si Kim Hyung-hul at partner nito na si Danica Añonuevo na may ari ng bahay kung saan nagtago si Cho.
Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang NBI kung paano paulit-ulit na nakakatakas ang Koreanong fugitive.
Nangako rin ang Koreano na makikipagtulungan sa imbestigasyon.
Unang inaresto si Cho dahil sa mga kasong human trafficking at robbery-extorion noong 2012.