VIRAL: Batang babae nanghabol ng mga holdaper sa Cavite

By Len Montaño September 28, 2018 - 08:42 PM

Viral ngayon sa social media ang video kung saan makikita ang pag-holdap sa isang lalaki at ang matapang na paghabol ng isang batang babae sa mga holdaper sa isang compound sa Cavite.

Mapapanood sa video na matapang na hinabol ng bata ang ilang armadong lalaki na hinoldap ang isang lalaking bumaba sa isang SUV.

Sa CCTV video na inapload sa Facebook ni Bhing Minia, makikita ang batang babae na naglalakad sa driveway habang padating ang sasakyan.

Ilang segundo lang ay bumunot ng baril ang dalawang lalaki at tinutukan ang lalaking bumaba sa sasakyan.

Sumunod ang dalawang lalaking naka-helmet at pinagtulungan nilang kunin ang mga gamit ng lalaking biktima.

Habang patakas ang mga holdaper, humarang ang bata at hinablot sa isa sa mga lalaki ang mga ninakaw na gamit.

Nakatakbo ang mga suspek kaya hinabol sila ng bata.

Makikita pa sa video na matapang na kinompronta at sinuntok ng bata ang mga armadong lalaki pero binunggo siya ng isa sa mga nakamotorsiklo at tuluyang nang nakatakas ang mga suspek.

Tiyahin ng bata si Minia at sinabi nito na naganap ang pagnanakaw 4:50 ng hapon noong Huwebes sa compound ng kanilang pamilya sa General Trias.

Ayon kay Minia, naospital ang bata dahil nagtamo ito ng mga sugat.

Sa isa pang video ay makikita naman ang isa sa mga suspek na pumasok sa isa sa mga bahay sa compound at kumuha ng ilang mga gamit.

Sinabi ni Minia na mga cash ang nakuha ng mga suspek at nagpasalamat sa Diyos na wala namang grabeng nangyari sa kanilang pamilya.

TAGS: cavite, girl chased armed robbers, Radyo Inquirer, viral video, cavite, girl chased armed robbers, Radyo Inquirer, viral video

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.