Nag-post sa kanilang official twitter account ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng mga larawan ng mga luma at bagong pera kasabay sa pag-anunsiyo kung hanggang kailan na lamang maaaring gamitin ang mga old banknotes o iyung mga lupang salapi.
Ayon sa pahayag ng BSP, ang old banknote series na unang ginamit taong 1985 ay maaari na lamang magamit hanggang sa huling araw ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
Simula sa January 1, 2016 ay tanging mga bagong pera o yung mga inisyu noong 2010 na lamang ng BSP ang siyang magagamit na pambayad sa mga produkto at serbisyo.
Pero nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas na pwede pa ring ipalit sa mga bangko ang mga lumang salapi ang hanggang sa December 31 2016.
Ipinaliwanag ni BSP Deputy Governor Diwa Guiniguindo na ang demonetization process ay alinsunod sa Republic Act 7653 o New Central Bank Act kung saan ay pinapahintulutan ang BSP na magpalit ng mga pera o banknotes na mahigit na sa limang taon ang edad o yung disensyong nasa sirkulasyon nang halos ay tatlong dekada na.
Tiniyak naman ng BSP na maglalabas sila ng regular na advisories habang papalapit ang demonetization process kung saan ay mawawalan na ng monetary value ang mga lumang salapi.