4 na pulis, persons of interest sa drug smuggling – PDEA
Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na mayroon na silang “persons of interest” na posibleng nakipagsabwatan upang maisakatuparan ang multi-bilyong drug smuggling kamakailan.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, apat na miyembro ng Philippine National Police o PNP ang kanilang itinuturing na persons of interest.
Gayunman, tumanggi muna si Aquino na isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga pulis, pero ang mga ito ay nasa serbisyo pa rin.
Sinabi ni Aquino na sinisiyasat na nila ang posibilidad ng pagkakasangkot ng apat na PNP members kay PDEA Deputy Director Ismael Fajardo at kina customs intelligence officer Jimmy Guban at dismissed police officer Eduardo Acierto kaugnay sa smuggled shabu sa Maynila at Cavite.
Inamin naman ni Aquino na sinabi sa kanya ni Fajardo na binulag siya ni Guban, at maaaring may ginawa ito at si Acierto nang walang nalalaman ang nasibak na PDEA official.
Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Aquino na dalawang PDEA personnel ang kanyang ni-relieve sa pwesto.
Paglilinaw ni Aquino, hindi dawit sa drug smuggling ang dalawa, pero ang pag-relieve sa kanilang ay layong hindi maka-impluwensya sa inbestigasyon laban kay Fajardo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.