Bahagi ng ginagawang gusali sa Ortigas Center nasunog
Tumagal din ng ilang oras bago naideklarang fire under control ang sunog na tumupok sa ilang bahagi ng ginagawang Avant Garde Condo Building sa panulukan ng Julia Vargas at Meralco Avenue Brgy. San Antonio Pasig City.
Sinabi ni City Fire Marshall Chief Inspector Roy Quisto na pasadao alas-kwatro ng hapon kanina nang ideklarang fire under control ang sunog na nagsimula ganap na 1:45 ng tanghali.
Sa paunang imbestigasyon ay sinasabing nagsimula ang apoy sa basement 2 ng gusali kung saan naka-imbak ang ilang mga kemikal na kinabibilangan ng mga pintura at thinner.
Umabot din sa basement 3 ang apoy kung saan naman naka-imbak ang iba pang mga building materials.
Dahil sa kapal ng usok ay pinababa rin ang tenants ng mga katabing gusali.
Gumamit pa ng breathing apparatus ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection para maabot ang mismong palapag na tinupok ng apoy.
Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa nasabing sunog habang nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga arson investigators.
Ang ginagawang 55-storey Avant Garde Building ay pag-aari ng Amber Land Corporations.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.