Nagbigay na si Pangulong Noynoy Aquino ng direktiba kung paano tuluyang mawawakasan ang laglag o tanim-bala sa Nonoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa harap ito ng dumadaming kaso at reklamo sa di umanoy tanim- bala na kadalasang nabibiktima ay mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, nabigyan na ng briefing ang pangulo sa sitwasyon ng nasabing problema.
Isa sa mga direktiba ng pangulo ay ang tiyaking maalis ang takot sa isipan ng mga pasahero sa NAIA.
Personal ding hiniling ng pangulo na bigyan siya ng update sa mga biktima lalo na yung kaso ng OFW na si Gloria Ortinez.
Hindi rin nagustuhan ng pangulo ang kanyang napanood sa telebisyon na pagbabalot ng plastic wrapper sa mga bagahe para lamang hindi mabiktima ng tanim-bala sa airport.
Ayon kay Lacierda ang instruction ng pangulo ay dagdag na hakbang para mapaganda ang pagsisikap ng Department of Transporation and Communications (DOTC) na masawata ang modus operandi.
Sinabi din ni Lacierda na inatasan ni PNoy ang DOTC na maging lead agency sa pagbibigay ng update sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan kontra sa tanim-bala sa NAIA.
Magugunitang sa mga nakalipas na araw ay umani ng batikos ang pamahalaan hingil sa umano’y hindi masawatang sindikato na nasa likod ng tanim-bala na lalong nagpasama sa imahe ng naturang paliparan.