Ayon kay Atty. Vitaliano Aguirre, hindi pa rin pumapayag hanggang sa ngayon si Duterte na humalili o mag-substitute sa kandidatura na inihain ni Martin Diño ng PDP-Laban.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na mayroon pa silang hanggang sa December 10 para hikayatin si Duterte na lumahok sa pampanguluhang halalan sa 2016.
“Hindi pa talaga pumapayag si Mayor Duterte na mag-substitute kay Martin Diño, Meron kaming until Dec 10 pa to convince Mayor Duterte,” ayon kay Aguirre.
Nilinaw naman ni Aguirre na walang kinalaman si Duterte sa aksyon ng PDP-Laban na pagsumitihin ng Certificate of Candidacy (COC) si Diño bilang presidente.
Ang nasabing hakbang aniya ay initiative lamang ng partido at hindi alam ng alkalde.
Hindi rin nakikita ni Aguirre na problema ang pagkakamali sa COC ni Diño.
Aniya ang isinumite ni Diño ay COC para sa pagka-pangulo at kung may nakasulat man doon na pagtakbo bilang Mayor ng Pasay City, sinabi ni Aguirre na ito ay isang typographical error lamang.
Ilang ulit nang sinabi ni Duterte na hindi siya interesadong tumakbo na Pangulo.
Pinakahuling pahayag nito ay ang sinabi niyang hindi siya magiging substitute candidate kay Diño.