SWS: 26% ng mga Pinoy hindi naniniwalang nanlaban ang napapatay sa drug ops
Naniniwala ang 26 percent ng mga Filipino na hindi nagsasabi ng totoo ang pulisya tungkol sa ‘panlalaban’ ng mga napatay na suspek sa mga ikinasang anti-illegal drug operations.
Ito ang lumalabas sa resulta ng second quarter survey ng Social Weather Station (SWS) na inilabas Martes ng gabi.
Twenty seven percent ang naniniwalang nagsasabi ng totoo ang mga pulis habang 47 percent ang undecided.
Dahil dito, pumalo sa net zero ang opinyon ng publiko tungkol sa paggigiit ng mga pulis na nanlaban ang mga suspek.
Pinakamababa ang naniniwalang hindi nagsasabi ng totoo ang mga pulis sa Metro Manila na may -25 percent, sinundan ng Balance Luzon na may -6 percent, Visayas na may -4 percent habang sa Mindanao, pinakamalaki ang bahagdan ng naniniwala na nagsasabi ng totoo ang mga pulis sa +31.
Samantala, lumalabas din sa survey na 96 percent ng mga Filipino ang naniniwalang dapat mahuli ng buhay ng mga pulis ang drug suspek.
Ang net satisfaction rating naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naniniwalang ‘talagang’ nagsasabi ng totoo ang mga pulis tungkol sa mga nanlaban ay +77 o excellent; +66 o very good sa mga naniniwalang posibleng nagsasabi ng totoo; +46 o good sa mga undecided; +36 sa mga naniniwalang posibleng hindi nagsasabi ng totoo at +3 o neutral naman sa nagsasabing ‘talagang’ hindi nagsasabi ng totoo ang mga pulis.
Lumabas din sa survey na +77 o excellent ang performance ng gobyerno sa anti-illegal drugs campaign nito kapwa mula sa mga nagsabing sila ay naniniwala at hindi naniniwala sa sinasabi ng pulisya na nanlaban ang mga suspek.
Ang survey ay isinagawa noong June 27 hanggang 30 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipino adults.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.