Kinilala ang nasawing biktima na si Mariam Uy Acob, 43 taong gulang.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Cosain Naga Jr., hapon ng Linggo nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang riding in tandem ang biktima.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, sakay ng tricycle pauwi si Acob nang salubungin ng mga salarin ang biktima.
Pitong beses itong piangbabaril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Ayon kay Naga, nagtatrabaho si Acob sa mga magugulong komunidad sa Mindanao. At ilang linggo bago ang insidente ay nakatanggap siya ng mga banta sa kanyang buhay.
Si Acob ay siyang lider ng Tindeg Bangsamoro na organisasyon ng mga bakwit sa Maguindanao. Mariin nilang tinututulan ang nagpapatuloy na militarisasyon ng mga komunidad sa lalawigan.
Ayon sa national chairman ng militanteng grupong Suara Bangsamoro na si Jerome Aba, mariin nilang kinukundena ang pamamaslang kay Acob.
Aniya, ang naturang insidente ay isang direktang pag-atake sa mga indibidwal at grupong kritikal sa administrasyon ni Pangulong rodrigo Duterte.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang motibo sa pamamaslang sa biktima.