Trillanes, naglabas ng mga bagong ebidensiya at testigo sa pag-apply sa amnesty program
Naglabas ng mga bagong ebidensiya si Senador Antonio Trillanes IV para patunayan na nag-apply siya sa amnesty program ng nagdaang administrasyon.
Sa naging hakbang ni Trillanes, nais nitong patunayan sa Makati Regional Trial Court Branches 148 at 150 ang legalidad na ibinigay sa kaniyang amnestiya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Isinumite ng kampo ni Trillanes sa dalawang korte ang affidavit ni Col. Josefina Berdigal, na aniya ang personal na tumanggap ng kanyang amnesty application.
Kasama na rin dito ang testimoniya ni dating Defense Usec. Honorio Azcueta.
Sa affidavit ni Berdigal, sinabi nito na siya ang tumanggap ng aplikasyon at aniya kumpleto ang requirements na isinumite ni Trillanes bukod pa na dumaan sa proseso ang lahat.
Sa sinumpaang-salaysay ni Azcueta, sinabi nito na nakasunod ang senador sa lahat ng mga reglamento para mabigyan ng amnestiya.
Pagdidiin naman ng senador na ang mga ebidensiya at testimoniya ay pang-supalpal niya sa panggigipit sa kanya ng Malakanyang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.