Pagpunta ng pulis sa UP Diliman, ‘misunderstanding’ – Albayalde

“Misunderstanding”

Ito ang naging paliwanag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde kaugnay sa pagpunta ng tatlong pulis sa University of the Philippines (UP) sa kanilang campus sa Diliman, Quezon City noong September 12, 2018.

Sa press briefing, sinabi ni Albayalde na pinuntahan ng Police Community Relations Group (PCRG) ang student activist na si Ivy Joy Taroma para imbitahan na dumaan sa ilang katanungan at hindi para arestuhin.

Kamakailan, nagpadala ng liham si UP President Danilo Concepcion kay Albayalde hinggil sa naging presensya ng mga pulis sa kanilang campus.

Nagdulot aniya ito ng pagkaalarma sa UP community.

Ani Albayalde, hindi siguro naisip ng mga pulis na dapat makipag-ugnayan muna sa ilang opisyal ng paaralan bago tumuloy sa campus.

Iginiit pa ng PNP chief na huwag nang lagyan ng malisya ang pangyayari dahil walang masamang intensyon ang mga pulis.

Hindi naman aniya hinarass ang kinausap na estudyante.

Samantala, hindi naman binanggit ni Albayalde kung bakit inimbitahan si Taroma para tanungin ng pulisya.

Read more...