Kalidad hindi popularidad ang magiging pamantayan ng Liberal Party (LP) para sa senatorial slate ng partido.
Ito ang ipinahayag ni Vice President Leni Robredo matapos ilabas ang Pulse Asia September 1-7 Senatorial survey noong Sabado.
Ayon kay Robredo, lahat sila sa oposisyon ay sang-ayon na ang popularidad ay ang huli nilang ikokonsidera sa pagpili.
Giiit pa ng bise presidente, ilan sa kanila ay nagmungkahi na maglabas ang LP ng hindi buong senatorial slate ngunit may magandang kalidad.
Gayunman ay pinag-uusapan pa anya ang bagay na ito.
Tanging si dating senador at interior secretary Mar Roxas lamang ang personalidad sa LP na nakapasok sa survey ng Pulse Asia.
Si Senador Bam Aquino naman na katangi-tanging tiyak na kasama sa listahan ng LP ay hindi pasok sa survey.
Ayon kay Robredo, isang shortlist ng mga kandidato ang isusumite sa kanya sa magaganap na National Executive Council meeting ng LP bukas.
Posible anyang ianunsyo ang senatorial line up ng partido malapit sa panahon ng filing of candidacy sa October 11.