Magkakaibigan na tulak ng droga arestado sa Tagum City
Arestado ang tatlong magkakaibigan na pare-parehong mga drug pusher matapos magkasa ng buy bust operation ang mga otoridad sa Barangay San Miguel sa Tagum City.
Nakilala ang mga suspek na sina Reed Ryan Denila, kanyang kinakasama na si Mary Shane Clarin, at kanilang kaibigan na si Mae Rose de Leon.
Ayon sa Tagum City Police, nagsisilbing drug den ng mga suspek ang kanilang inuupahang boarding house.
Sinasabing notorious na tulak ng ipinagbabawal na gamot ang mga suspek. Nabatid na dati silang nag-ooperate sa bayan ng Sto. Tomas sa Davao del Norte at lumipat lamang sa Tagum City.
Ayon pa kay Police Superintendent Philip Jefferson Ayban, officer-in-charge ng Tagum City Police, napapansin ng may-ari ng boarding house ang iba’t ibang mga taong nagpupunta sa unit na inuupahan ng mga suspek.
Narekober mula sa magkakaibigang tulak ang 12 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na mayroong street value na P100,000, mga drug paraphernalia, at isang Uzi submachine gun na kargado ng mga bala.
Dahil dito ay mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms and Ammunition.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.