Tolentino itinutulak ang Kongreso na ipasa na ang National Land Use Act
Bilang tugon sa naganap na landslide sa Barangay Ucab sa Itogon, Benguet na ikinasawi ng mahigit 60 katao, sinabi ni Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Francis Tolentino na panahon pa upang ipasa ng Kongreso ang National Land Use Act.
Ani Tolentino, sa pamamagitan ng naturang panukalang batas ay mailalabas ang isang komprehensibong geohazard maps na makatutulong upang hindi na maulit ang nangyari sa Itogon.
Aniya pa, nasa kamay na ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ipapatigil ba ang lahat ng small-scale mining dahil sa naganap na landslide naman sa Naga City, Cebu. At anumang desisyon ng pangulo ay dapat maipasok sa National Land Use Plan.
Samantala, sinabi ni Tolentino na dapat lamang na ipasara muna ang bayan ng Itogon upang maisailalim ito sa rehabilitasyon.
Partikular na kailangan aniyang gawin ang saraduhan at punan ang mga tunnel at iba pang mga butas sa lugar.
Dagdag pa ng kalihim, kailangang maibalik sa dating estado ang bayan bago pa man nagsimula ang mga pagmimina sa pamamagitan ng complete rehabilitation sa bayan.
Kabilang aniya sa dapat gawin ang pagtatanim ng puno sa mga bundok.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.