Babae sinilaban ng mister sa Pampanga

By Justinne Punsalang September 24, 2018 - 12:19 AM

Kritikal ngayon ang kundisyon ng isang ginang matapos siyang silaban ng kanyang asawa sa Angeles City, Pampanga.

Sa ngayon ay tinutugis na ng mga otoridad ang suspek na si Roma Timbol Lacsana na asawa ng biktimang si Joana.

Ayon sa Angeles City Police, Lunes nang maganap ang insidente sa bahay ni Lacsana.

Kwento ng kapatid ng biktima, walong buwan nang magkahiwalay ang mag-asawa at naninirahan si Joana sa bahay ng kanyang kapatid.

Noong Lunes ay binisita nito ang kanyang mga anak at doon siya binuhusan ng gasolina ni Lacsana bago sinindihan gamit ang isang lighter.

Ngunit hindi pa dito nakuntento si Lacsana at pinagsusuntok at pinagsisipa pa ang asawa habang nasusunog.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspek.

Ayon sa kapatid ng biktima, upang mapigilan ang pagliliyab ng kaniyang ina ay binuhusan ito ng tubig bago binalot ng mga basang damit. Kaya naman maging ang anak ni Joana ay nagtamo ng paso sa kanyang braso.

Ayon sa mga otoridad, hindi ito ang unang beses na sinaktan ni Lacsana ang asawa. Noong nakaraang taon lamang ay nagkaroon pa ng insidente ng pananaga, ngunit hindi ito inireklamo sa pag-asang magbabago pa ang suspek.

Mahaharap si Lacsana sa kasong frustrated murder na may kaugnayan sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and their Children.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.