Inirekomenda na ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong kriminal si Customs broker Mark Taguba at walong iba pa dahil sa pag-pupuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu noong 2017.
Sa 26 na pahinang resolusyon na may petsang August 15 na pirmado ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, Officer-in-Charge Prosecutor General, nakasaad na nakitaan ng DOJ ng probable cause upang kasuhan sina Taguba, Chinese businessman Chen Julong alyas Richard Tan na siyang chairman at general manager ng forwarder na Hongfei, Irene Mae Tatad na siyang may-ari ng EMT Trading, Teejay A. Marcellana na isang registered broker, Li Guang Feng alyas Manny Li na siyang nagproseso ng paglalabas ng shabu shipment mula sa Bureau of Customs (BOC),Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong na siyang kumausap kay Taguba, Fidel Anoche Dee na siyang consignee ng shipment, at Chen Min at Jhu Ming Jyun na silang umuupa sa warehouse na pinaglagyan ng shabu shipment.
Mahaharap sina Taguba sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, partikular ang Section 1400 o ang misdeclaration, misclassification, at undervaluation of goods declaration; Section 1401 na may kaugnayan sa Section 118 (g) o ang unlawful importation or exportation; at Section 1401 o ang facilitating the transportation of articles imported in violation of the law.
Batay sa resolusyon ng DOJ, makikita sa pinagtagni-tagning salaysay ng mga akusado sa kanilang naging partisipasyon, na bagaman hindi umano nila alam na shabu pala ang laman ng kargamento, ay nagkaroon sila ng conspiracy upang mailabas ang shabu shipment mula sa loob ng Customs.
Alam rin aniya ng mga akusado na iligal ang naturang importasyon, kaya naman kahit na hindi nila alam kung ano ang laman ng kargamento ay kailangan nilang managot sa batas.