3 sa 5 Pinoy, naniniwalang labag sa karapatang pantao ang paghuli sa mga “tambay” – SWS
Tatlo sa limang Pilipino ang naniniwalang labag sa karapatang-pantao ang pag-aresto sa mga “tambay.”
Sa Second Quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), 60 percent sa mga Pilipino ang naitalang naniniwalang paglabag ito, 32 percent ang ‘strongly agree,’ at 28 percent naman ang ‘somewhat agree.’
Batay pa sa datos, 26 percent ang ‘disagree’ habang 14 percent naman ang undecided.
Samantala, nang tanungin naman kung namimili ba ang mga pulis ng mga hinuhuling residente, 58 percent sa mga Pilipino ang nagsabing hindi ito nangyayari.
68 percent naman ang may pangambang mahuli dahil sa pagkakalat ng basura.
Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula June 27 hanggang 30, 2018.
Matatandaang itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na iniutos niya na arestuhin ang mga tambay at sa halip ay pinapauwi
lamang aniya ang mga ito sa kani-kanilang bahay.
Paliwanag naman ng pulisya, ang mga hinuhuli ng kanilang hanay ay ang mga residenteng lumalabag sa local ordinances tulad ng paninigarilyo, pag-inom at pag-ihi sa pampublikong lugar, at ang hindi pagsusuot ng damit pang-itaas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.