Quezon City, binuo ang kauna-unahang Local Public Transport Service Board sa Pilipinas
Naipasa na ng Quezon City Council ang Quezon City Public Transport Service Board, na kauna-unahan sa buong bansa.
Pirmado na ito ni Mayor Herbert Bautista at suportado ni Vice Mayor Joy Belmonte.
Ang ordinansa ay layong umakto bilang lokal na tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na mag-aaral sa posibleng mga bagong ruta at magtatakda ng sapat na bilang ng mga pampublikong sasakyan sa isang partikular na lugar sa lungsod.
Paliwanag ng may akda ng ordinansa na si QC Councilor Ramon Medalla, mabibigyang-solusyon na ang napakatagal nang problema na walang masakyan sa isang lugar habang sobra-sobra naman sa PUVs sa ibang lugar na kalimitang sanhi pa ng matinding trapik.
Bukod dito, sinabi ni Medalla na maiiwasan na rin ang nagsulputang mga kulorum na lubhang dehado sa panig ng mga pasahero dahil wala silang matatanggap na kompensasyon kapag may naganap na aksidente.
Dagdag ni Medalla, marami na ang mga subdibisyon at kumonidad, hindi lang sa Quezon City kundi sa iba pang siyudad na nangangailangan ng public transport.
Napapabayaan aniya ang mga residente sa mga lugar na ito dahil LTFRB lamang ang may saklaw na magtakda ng ruta pero hindi rin makapag-isyu ng prangkisa dahil matagal na may ‘moratorium.’
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang implementing rules and regulations o IRR ng ordinansa at sa lalong madaling panahon ay hihimayin na ng local transport service board ang kasalukuyang mga biyahe ng public transport sa buong Quezon City.
Sa oras naman na makabuo sila ng report ay isusumite nila ito sa LTFRB.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.