Barangay & SK polls sa Marawi City, naging matagumpay – COMELEC
Natapos ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections 2018 sa Marawi City nang “zero failures” o walang nagdeklara ng failure of elections sa mga barangay.
Ayon kay James Jimenez, tagapagsalita ng Commission on Elections, lahat ng mga polling precint ay nagbukas at nagsara “on time” kahapon (September 22).
Mula aniya sa 177 clustered precincts, 177 na nag-ulat ng maayos na pagtatapos ng eleksyon.
Sa naturang botohan sa Marawi City, dalawampu’t anim (26) na ang nahalal bilang punong barangay; labing siyam (19) ang kagawad; limampu’t isa (51) ang mga SK Chairman at animnapu (60) ang mga SK kagawad.
Ang unang naiproklama ay ang nanalong chairman sa Barangay Bangco.
Samantala, sa video na ibinabahagi ng National Citizen’s Movement for Free Elections o NAMFREL, makikita na nagkatensyon sa pagitan ng watchers ng dalawang kandidato sa pagka-kapitan sa Barangay Sagonsongan kahapon.
Partikular na nangyari ang gulo sa Temporary Shelter Area 2. Pinahupa naman ang tensyon, at hindi rin ito nakaapekto sa botohan ng mga residente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.