Dalawang sundalo at isang paramilitary ang napatay sa dalawang magkahiwalay na engkwentro sa mga hinihinalang rebeldeng Komunista sa Camarines Norte at Camarines Sur.
Isang sundalo ang patay habang isang kasapi ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang nasawi noong Sabado ng gabi matapos atakihiun ng mga hinihinalang rebelde ang Army detachment sa nagbabantay sa ginagawang Namukanan bridge sa Daguit, Labo, Camarines Norte.
Kinilala ang mga nasawi na sina Pvt. Reymark Camila Regore ng 49th Infantry Battalion at Anthony Ceron na miyembro naman ng CAFGU.
Isang sundalo rin ang nasugatan habang natangay naman ng mga rebelde ang dalawang M14 rifles habang nagaganap ang sagupaan na tumagal rin ng isang oras.
Sa hiwalay na insidente naman, patay si Pvt. Edmhol Rey Caceres nang barilin ng dalawang hinihinalang rebelde sa isang palengke sa liblib na bayan sa Libmanan, Camarines Sur.
Tinatayang 500 metro ang layo ng palengke mula sa isang Army patrol base na nagbabantay ng mga construction equipment para sa mga public works projects.
Tinangay ng mga rebelde ang M16 rifle ng sundalong kanilang napatay. Ayon sa militar, nangyari ang pag-atake matapos tumanggi ang private contractor na magbigay ng pera sa mga rebelde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.