Mga nangangasiwa sa mga paliparan, pinasisibak sa pwesto
Tatlong mambabatas na ang nanawagan sa pagkakasibak sa puwesto ng mga pamunuan at tauhan na nangangasiwa sa seguridad sa mga paliparan dahil sa mga dumaraming kaso ng tanim-bala o laglag-bala.
Nais nilang ipatanggal kay Pangulong Aquino si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado, at iba pang matataas na opisyal ng Office for Transportation Seturity (OTS) at Philippine National Police-Aviation Security Office (PNP-Avseco)
Anila, ang mga nasabing opisyal na tumangging may kinalaman sa mga nangyayari, ang siyang responsable sa pagkakabigong mapigilan ang dumaraming kaso ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexi Nograles na chairman din ng labor committee sa Kamara, nagiging katatawanan na ang Pilipinas at walang ibang dapat sisihin dito kundi si Honrado dahil sa kawalan nito ng aksyon.
Nakakahiya aniya ang nakikitang takot sa mga biyahero na umaabot na sa puntong binabalot nila ng masking tape ang kanilang mga bagahe sa pag-asang hindi sila mabibiktima ng tanim-bala.
Para naman kay Abakada Rep. Jonathan de la Cruz, nararapat lamang na maghain na ng courtesy resignation si Honrado pati na ang mga opisyal na may kaugnayan sa seguridad sa airport, lalo pa’t papalapit na ang Asia-Pacific Economic Cooperation (Apec) Leader’s Summit.
Kahit pa nasa kasagsgan na sila ng last-minute preparations para sa APEC, dapat magtalaga na ng mga bagong pinuno ng mga ahensyang nangangasiwa sa operasyon at seguridad ng mga paliparan, at kasuhan na ang mga may sala.
Full revamp naman ang iminungkahi ni OFW Rep. at presidential aspirant Roy Señeres ang dapat isagawa sa MIAA, OTS at PNP-Avesco.
Kung seryoso aniya si Pangulong Aquino sa pagkilos laban sa mga kaso ng tanim-bala, ito dapat ang gawin.
Kahapon lamang ay may isa na namang nabiktima ng itinuturing nang modus na tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport.
Patungo sana sa Singapore ang 65-anyos na si Nimfa Fontlamillas para panooring maglaro ng soccer ang kaniyang apo, nang makitaan ng bala sa security monitor ng paliparan ang kaniyang shoulder bag na mahigpit na niyang sinelyohan dahil sa takot na mabiktima siya nito.
Tumanggi siya nang pabuksan sa kaniya ang bag at piniling hintayin munang dumating ang kaniyang abogado na inabot pa ng anim na oras.
Bagaman natanggal na lahat ng laman ng kaniyang bag, nakitaan pa rin ito ng bala nang ibalik ito sa scanner, at maya-maya’y natagpuan sa side pocket.
Ikinagulat ito ni Fontamillas at ng kaniyang abogado na si Atty Clint Estandarte, ngunit iginiit ni Fontamillas na hindi siya kailanman magdadala ng bala dahil wala namang pag-aaring baril ang kanilang pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.