Binuksan na ngayong araw ang “TienDA Malasakit Store” ng Department of Agriculture.
Pangungunahan ni DA Sec. Manny Piñol ang pagbubukas sa Bureau of Plant Industry Multi-Purpose Hall sa San Andres Street sa Maynila.
Ayon kay Piñol mabibili sa “TienDA Malasakit Store” ang mga murang bilihin gaya ng dressed chicken, isda, prutas at bigas at mga gulay na galing pa sa Mindanao.
Alas singko pa lamang ng umaga nang buksan sa publiko ang tindahan
Ayon kay Piñol 50% na mas mura ang presyo ng mga gulay sa sa TienDA Malasakit kumpara sa mga nabibili sa mga palengke sa Metro Manila.
Gaya na lamang ng carrots na mabibili lang ng 95 pesos per kilo, repoloyo – 70 pesos per kilo at ang sili ay 80 pesos lang per kilo.
Bawal namang mamili ng maramihan sa TienDA Malasakit na bukas sa publiko hanggang bukas araw ng Sabado.
Ani Piñol, linggu-linggo nang magluluwas ng mga gulay mula sa Mindanao patungo ng Metro Manila para mabigyan ng murang halaga ng bilihin ang publiko.
Aniya, simula sa susunod na linggo, anim na refrigerated containers na puno ng gulay lang Mindanao ang darating sa Metro Manila kada linggo.
Galing ang mga gulay sa Bukidnon, Davao at Cotabato na aabot sa 30 tonelada ang dami.
Sa ngayon available sa Vegetable Festival ng DA sa San Andres Maynila ang 8 metric tons ng gulay na galing Bukidnon na lulan ng refrigerated van at dalawang araw naglayag.
Dumating din kagabi ang 12 tonelada ng gulay sakay ng C-130 plane galing General Santos City at isang commercial cargo plane na may lulan ding gulay galing Cagayan De Oro City ang darating ngayong araw.