Buy bust operation nauwi sa engkwentro sa Bulacan

By Justinne Punsalang September 21, 2018 - 03:04 AM

Dead on the spot ang isang drug suspek matapos mauwi sa palitan ng putok ang ikinasang buy bust operation ng mga otoridad sa Barangay Tarcan, Baliwag, Bulacan.

Kinilala ang nasawing suspek na si Joshua Santiago, habang ang kanyang hindi nakilalang kasabwat ay nakatakas mula sa mga otoridad.

Ayon sa pulisya nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng report ang himpilan ng Baliwag Police sa pagtutulak ng iligal na droga ni Santiago, partikular sa mga Barangay Poblacion at Tarcan.

Matapos ang transaksyon ng shabu sa pagitan ng pulis na siyang poseur buyer ay napansin ng mga suspek ang paparating na mga pulis upang sila ay arestuhin.

Imbes na sumuko ay bumunot si Santiago ng baril at pinaputukan ang mga otoridad na sila namang gumanti ng putok at nagresulta sa pagkakasawi ng suspek.

Ginamit ng kanyang kasabwat ang pagkakataon upang tumakas sakay ng isang itim na walang plakang motorsiklo. Tinungo nito ang direksyon papuntang Pulilan, Bulacan.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 38 revolver, at pitong sachet ng shabu.

Patuloy namang tinutugis ng mga pulis ang nakatakas na tulak ng droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.