Tumanggap ng intelligence briefing si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa intelligence officials kaugnay sa malawakang kilos-protesta na gagawin sa 46th anniversary ng deklarasyon ng martial law bukas.
Pero tumanggi ang Malacañang na ilabas ang detalye kaugnay sa nasabing intelligence briefing.
Nauna dito ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may pagtatangkang pabagsakin ang kanyang administrasyon at gagawin ito sa pagitan ng mga buwan ng Setyembre at Oktubre.
Kabilang sa mga grupong nagpa-plano ng destabilisasyon ayon sa pangulo ay ang Liberal Party, Communist Party of the Philippines at ang Magdalo group.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nananatili ang polisiya ng pamahalaan na pagpapatupad ng maximum tolerance sa hanay ng mga magsasagawa ng rally.
Sa hiwalay na pahayag ay sinabi ng Philippine National Police na magpapakalat sila ng 4,000 na mga tauhan sa buong Metro Manila kaugnay sa mga gagawing pagkilos ng mga ralyista.
Nauna na ring sinabi ng PNP na may banta ng panggugulo ang mga kasapi ng New People’s Army kaya mananatili silang naka-full alert kaugnay nito.