Patay sa landslide sa Naga, Cebu umakyat na sa 12
Nagparating ng pakikiramay ang Malacañang sa sinapit ng mga biktima ng landslide sa Barangay Tinaan sa Naga City, Cebu.
Sa pulong balitaan, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. sa mga biktima na ipagpapatuloy ng gobyerno ang isinasagawang rescue operations sa lugar.
Ito ay para aniya maibsan ang nararamdamang pagdadalamhati ng mga residenteng na-trap sa mga nahulog na debris.
Dagdag pa ni Roque, pag-aaralan ng pamahalaan kung paano maiiwasan ang naturang aksidente para sa mga darating na panahon.
Samantala, patungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu City sa Biyernes, September 21, para dumalo sa isang event ng ilang health professionals.
Hindi pa naman tiyak kung bibisitahin ng Punong Ehekutibo ang mga biktima ng landslide.
Sa pinakahuling bilang ay umabot na sa labing-dalawa ang patay sa pagguho kabilang dito ang dalawang bata.
Iniulat rin ng lokal na pamahalaan na maraming iba pa ang nawawala na pinaniniwalaang nabaon sa naganap na landslide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.