Sa isinampang kaso sinabi ni Garin na dapat managot si ubial sa ginawa nitong pag-shift sa dengue immunization program mula sa school-based patungo sa community-based na umano ay naka-ambag sa mga napapaulat na pagkasawi ng mga nabakunahan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Public Attorney’s Office Chief Persida Rueda-Acosta, panahon pa lang ni Garin bilang kalihim ay may mga nasawi nang bata na nabakunahan ng Dengvaxia.
“Panahon pa lang ni Garin may namatay na, meron silang tinurukan March 31 sa Bagac, Bataan, April 11, patay. Si Sec. Garin pa ang secretary of health noon eh, paano namang magiging kasalanan ni Ubial eh wala pa si Ubial no’n. AprIl 11, 2016 bago mag-eleksyon ng May 9, 2016. Marami nang namatay bago pa umupo si Pangulong Duterte. ‘Yang ginawa ni Sec. Garin na iyan ay suicidal iyan, dahil inaamin na nga niya na nakamamatay ang Dengvaxia. Kaya kung sasabihin niyang kasalanan ni Ubial kaya may namatay, mali siya doon, idiiniin niya ang sarili niya, ill advised siya. Idiniin niya ang sarili niya dahil admitted na niya na may side effects ang Dengvaxia na hindi nila sinabi sa sambayanang Pilipino para hindi sana nagpaturok ang anak nila ng walang screening,” ani Acosta.
Dagdag pa ni Acosta, noon pa ay sinasabi na nila na napilitan lang si Ubial na ituloy ang programa dahil sa pressure mula sa kongresistang asawa ni Garin.
Ani Acosta, nagpasya din ang karamihan sa pamilya ng mga namatayan na gawing testigo na lamang sa kaso si Ubial sa halip na isama ito sa mga kakasuhan.
“Eh diba inannounce ko na state witness na ng mga biktima si Ubial? Kaya hindi na isinama sa kinasuhan, pero pwedeng kasuhan. Pero ang ginawa ng mga pamilya dahil may affidavit si Sec. Ubial at may testimonya sa senate na pinilit lang siya ng asawa ni Sec. Garin sa kongreso at ni Sec. Harry Roque, yang dalawa na iyan ang pumilit sa kaniya. Merong depensa si Ubial dahil zini-zero ang budget ng DOH, mas malalagay sa peligro ang buong sambayanan, ang health care ng buong bayan,” dagdag pa ni Acosta.